ni: Avan Bañares
University if
(Adjudged Best Piece – 2nd Prize in the recently concluded 15th National Oratorical Contest in connection with the 65th Commemoration of the Araw Ng KAgitingan and Philippine Veterans Week,
“Sulong mga Kabataan, kayo ang buhay at pag-asa nitong Bayan. Nasa inyo ang lakas ng kapangyarihan. Magpatuloy kabataan, habang kayo ay matuwid at habang ang bandilang inyong iwinawasiwas ay bandila ng kalayaan at demokrasya at habang ang tinatahak ninyong landas ay yaong binuksan ng ating kabataan kahapon, kayo’y hindi mabibigo, bagkus magwawagi. Huwag matakot sa mga unos ng mga paratang o pakutya. Pagkatapos ng unos, sisikat ang maningning na araw!”
Kay sarap pakinggan! Kay sarap damhin! Ang mga katagang punong-puno ng pagtitiwala, paggalang at pagmamalaki sa kakayahan, katapatan, kagalingan ng mga kabataang salinlahi ng mga dakilang beterano.
Ang kabataan kahapon ay siyang buhay at nangungusap na halimbawa ng kabataan sa kasalukuyang panahon. Ipinagpatuloy lamang ng mga kabataan ang hindi natapos na gawain ng yumaong kabataan sa kadahilanang “Sila ang Sandigan ng Matatag na Sambayanan.”
Hindi madali para sa mga kabataan ang tungkuling nakaatang sa kanilang balikat. Maraming hamon at pagsubok ang napagdaanan na hanggang sa ngayon ay patuloy pa ring isinasagawa ang pakikipaglaban… mahabang panahong pakikipaglaban. Mula’t mula pa ang ating bansa ay dumaan sa masalimuot na proseso ng muling pagbangon. Humarap tayo sa maraming hamon sa ekonomiya, pulitika at militar. Naglunsad ng iba’t-ibang programa para sa kaayusan at kaunlaran ng bayan, ang mga naging pangulo ng bayan. Marami ang bumatikos sa programang kanilang inilunsad at sa mga polisiyang ipinatupad. Ating nasaksihan na ang pagpapalit ng mga lider ay hindi solusyon sa problema ng ating bansa na ang dapat tingnan ay ang ugat ng problema upang malapatan ng wasto at tumpak na solusyon. Di katakataka na malimit na nakatambad sa ating paningin ang iba’t-ibang nakaririmarim, kasuklamsuklam, nakalilimahid na gawain tulad ng hold-up, pagnanakaw sa kaban ng bayan, pang-atake ng terorista at marami pang iba na sa isa mang libong pag-iisip ay di natin matatarok kung bakit nangyayari ang ganitong karahasan. Nakapanghihinayang, nakapanlulumong isipin ang buhay na ibinuwis ng ating mga bayani, mga dakilang beterano, para lamang magkaroon ng maaliwalas na kinabukasan ang ating minamahal na bayan na ang mga mamamayan ay Pilipinong taas-noo, may tiwala sa sarili, may dignidad.
Nakalulungkot dahil sa hinaharap na kalaban ay hindi na ang mapaniil na dayuhan. Ang laban ay Pilipino laban sa Pilipino… laban na ito ng malalakas at mahihina… ng katarungan at kaapihan… ng katotohanan at kasinungalingan… sa ngalan ng salapi at kapangyarihan….
Ngayon, heto ako isa lamang sa libu-libong kabataang mula sa lahi ng mga magigiting; mga beteranong tapang ang pinuhunan, buhay ang ipinalit para ang bayan ay lumaya.
Pinatunayan ng mga kabataang nauuna sa akin ang hindi nila pagkalimot sa dugong nananalaytay sa bawat himlay ng kanilang kalamnan kung sino sila at kung ano ang kanilang tungkulin sa bayan. Buong giting na ginawang sandata ang kasaysayan ng mga beterano. Ang bawat tilamsik ng kanilang dugo ay simbulo ng kanilang katatagan at pagka-Pilipino.
Sa panahon na lumalakas ang diskuntento ng mga Pilipino dahil sa patuloy na pagbagsak ng kabuhayan at sinisikil ang karapatan ng mga mamamayang naroon ang mga kabataang ginagawang bahay ang lansangan, nagtitiis ng init, lamig, gutom upang ituloy ang pagkilos laban sa mga programa at patakaran ng gobyerno na nagpapahirap sa mga Pilipino, nakaroon ng People Power, ang EDSA uno, ang EDSA dos… nagpapakita lamang na ang mga kabataan ay hindi nagpapabaya.
At ngayo’y malayo na ang ating narating; sa panahon na tayo ng makabagong teknolohiya sumusulong na ang bansa. Kahit na hindi maikakaila na marami pa ring suliraning hinaharap ng ating bayan subalit patuloy ang salinlahi ng mga beterano sa pakikipaglaban na ang sandata ay ang kakayahan at ang edukasyong nakatam. Hindi naduduwag sa kasikatan ng ibang bansa dahil sa may sariling ningning na maipagmamalaki. Lalong naging matatag, may tiwala sa sarili, at mahinahon sa pagharap sa lahat ng pagsubok. Naging lalong matingkad ang kasikatan sa maraming larangan; sa edulkasyon, sa siyensiya, musika, isport, sining at maging sa industriya at teknolohiya. Samakatwid, tayo ay salinlahi na nagtataglay ng pag-iisip at saloobing naaayon sa pangangailangan ng bansa lalong-lalo na sa kalagayang panlipunan. Salinlahing nalilinang ang pisikal at ispiritwal na aspeto ng iba’t-ibang lakas ng mga institusyong sosyal, edukasyunal, pulitikal, at pangkabuhayan. Salinlahing may kamalayang maka-Pilipino. Pilipinong may kakayahang mamahala ng pamahalaan para sa mga Pilipino; may sapat na lakas sa pagpapatakbo ng ekonomiya. Pilipinong hinubog sa isang siyantipikong edukasyon tungo sa direksiyon ng pambansang industriyalisasyon upang mapag-alaman ang mga bagay-bagay sa totoong kalagayan. Nagpapahalaga sa mga akdang tunay na naglalahad at nagbibigay ng tamang datos tungkol sa kalagayan ng bansa. Nagpapalaganap ng mga demokratikong pananaw na babaka sa diskriminasyong batay sa uri, lahi, kasarian, relihiyon, at iba pang mapang-aping pananaw.
Ang karunungang natamo ay makapagbubuo ng mga pagpapahalaga na makatulong sa ikauunlad ng kanilang sarili. Mga pagpapahalaga tulad ng pananalig sa Diyos, Kapayapaan ng Bansa, pagkamit ng makalidad na Edukasyon, may pag-ibig at pagkalinga sa kapwa, pagkamagalang, pagkamasipag, mapagkumbaba, pagkamatapat, kahalintulad sa katapatan na ipinamalas ng ating mga kababayan na ipinagbunyi ng ibang bansa at nagbibigay ng karangalan sa ating bayan.
Mga mahal kong tagapakinig, iyan ang Imahen ng salinlahi ng mga dakilang beterano. Ang tapang at lakas ay ang wastong edukasyon na humuhubog sa buong personalidad ng isang indibidwal. Wastong Edukasyon na sandata sa makabagong panahon. Salinlahi ng mga dakilang beterano, na hindi bulag, bingi, at pipi. Taas noong nakikipaglaban, tumutuligsa, at bumabatikos laban sa malalakas, laban sa kaapihan, at laban sa kasinungalingan.
Tayong salinlahi ng magigiting at dakilang beterano ay ang buhay at pag-asa ng ating bayan.
“Sandigan ng Matatag na Sambayanan.”
Mabuhay ang mga Beterano….
Mabuhay ang kanilang Salinlahi….
Mabuhay ang Pilipino….
| VFP-SDAI RVP | : | Milagros Balgos |
| Trainer / Coach | : | Erlinda Gerzon |


